Wednesday, October 17, 2007

Lolit, kinilabutan kina Piolo at Sam

May mga nag-e-email, nagte-text at ang pagkakaalam ko ay tumatawag na rin ang Star Magic kay Manay Lolit Solis para klaruhin siguro ang isyu kina Piolo Pascual at Sam Milby. Ilan sa mga nag-text at nag-email ay pawang pagtatanggol kina Piolo at Sam na meron daw silang kani-kanyang trabaho ‘nung araw nang makita sila ni Manay Lolit sa isang coffee shop sa Sofitel.

Hindi sinasagot ni Manay Lolit ang tawag ng Star Magic dahil wala raw dapat pag-usapan pa kung tungkol lang sa isyung iyun. Basta, paninindigan ni Manay Lolit at tinitiyak niyang sina Piolo at Sam ang nakita niyang nagbubulungan sa isang sulok ng coffee shop ng Sofitel. Kahit ang waiter na nakausap niya ay sinasabi raw na madalas na nagkikita roon ang dalawa. Ang kuwento lang naman ni Manay Lolit, nakita niya ang dalawang nagbubulungan. Iyun lang!

Bakit sobrang defensive ang ilang tagapagtanggol nina Piolo at Sam kung nagbubulungan lang naman? Lalo tuloy kaming namamalisyahan sa closeness ng dalawa. Isa ako sa tinawagan ni Manay Lolit nang makita niya ang dalawa. Ang una niyang sinabi sa akin, hanggang sa mga sandaling iyon ay kinikilabutan siya at parang nanginginig pa raw ang mga tuhod niya, Hindi siguro kailangang gawin niya iyun o magdrama ng ganu’n si Manay Lolit kung gusto lang niyang gumawa ng isyu tungkol sa dalawa.

Pakialam ba naman niya kung anong meron kina Piolo at Sam! Ganu’n ang reaksyon ni Manay Lolit dahil iba raw pala ang pakiramdam kapag nakita mo mismo ang mga taong sangkot sa matagal nang naririnig mong tsismis.

***

Gustong iparating ni Rufa Mae Quinto ang paumanhin kay Mark Bautista dahil hindi siya nakasipot sa concert ng huli nu’ng Sabado sa Aliw Theater. Nasa poster ang pangalan ni Rufa Mae bilang isa sa mga special guest pero hindi na nakayanan ng seksing komedyana na pumunta dahil sa Bulacan pa raw ang shooting niya ng Desperadas. Mahaba ang paliwanag ni Rufa Mae tungkol dito, pero alam niyang naintindihan daw ito ng Viva Films at ni Mark.

Tuwing Sabado lang daw kasi ang naibigay niyang araw sa Desperadas at ilang Sabado na raw ang hindi niya naibigay sa pelikulang ito dahil nagamit daw ng Apat Dapat, Dapat Apat. Kaya nu’ng nalibre na itong nakaraang Sabado ni Rufa Mae, hindi na niya maisingit ang guesting sa concert ni Mark dahil tuluy-tuloy na raw ang shooting niya. Sana’y huwag daw itong ipagtampo ni Mark.

Sa victory party ng Apat Dapat, Dapat Apat, naikuwento rin ni Rufa Mae na may inaayos daw na pelikulang baka makasama raw niya ang ilang Hollywood stars. Hindi lang niya maibigay ang buong detalye dahil nung nakaraang Lunes lang daw nakausap ng Backroom ang mga taong involved sa project na ito. Baka maudlot pa raw kaya huwag na raw munang pag-usapan.
Nilinaw rin ni Rufa Mae ang isyung may gap sila ngayon ni Kris Aquino dahil sa katapat ng Deal or No Deal ang Whammy na mataas lagi ang rating.

Ang pagkakaalam daw niya, wala silang dapat pag-awayan ni Kris at malaki pa rin daw ang paggalang niya sa huli. Hinding-hindi daw niya makalilimutan si Kris na mabait sa kanya magmula nu’ng nagsisimula pa siya.

***

Isinugod sa St. Luke’s hospital si Yasmien Kurdi nu’ng Lunes ng hapon dahil biglang nahilo ito habang nagti-taping sila ng Pasan Ko ang Daigdig. Tinawagan ako ng EP ng naturang soap na si Joseph Buncalan at wala pa raw silang ideya kung bakit biglang nahilo ang Yasmien.

Naghuhulaan na lang kami nung mga oras na iyun, dahil matagal bago ito inilabas ng hospital.
Buntis ba si Yasmien? Napagod na ba siya sa kapapasan kay Gina Alajar? O baka epekto na ito sa sobrang pagda-diet niya? Kahapon ko lang nalaman sa mga taga-Pasan na nakabalik din pala si Yasmien sa taping pagkatapos niyang inilabas ng hospital dahil okay na raw ito pagkatapos siyang painumin ng gamot.

Ayon sa doktor, tumaas ang blood pressure ng young actress sa di pa malamang kadahilanan.
Ang duda namin, baka epekto ito ng pagda-diet dahil hindi raw maganda ang diet niya. Halos wala raw siyang kinakain para tuluy-tuloy ang pagpayat niya. Kung kumakain man daw, gulay lang dahil vegetarian siya.

Binabantayan na raw si Yasmien ng Mommy niya dahil OA na raw ito kung mag-diet na maaring isa sa mga dahilan ng pagtaas ng blood pressure nito.

Ni Abu Tilamzik

No comments: