Sunday, October 14, 2007

Gladys Guevarra, buhay-prinsesa sa US

Sa Las Vegas, Nevada pa lang ay nakatanggap na kami ng tawag mula kay Philip Peredo, ang current boyfriend ni Gladys Guevarra. Nabalitaan niyang nasa Las Vegas kami. Madalas niyang maalala kami tuwing kumakain sila ng New York bagels na aming paborito.
Laking tuwa ni Philip nang malaman niyang dadalaw kami sa New York.

Ayon kay Gladys, lagi akong nababanggit ng kanyang boyfirend at naalala nito ang mga kalokohan namin sa LA noong Agosto. Pinaghandaan nila ang aming pagdating. Nakiusap pa si Philip kung pwedeng du’n kami matulog sa kanila nang dalawang araw. Dahil kulang sa panahon ay nakiusap ako na isang buong maghapon na lang kami magsama.Ganu’n na nga ang nangyari.

Nagkita kami sa ibaba ng opisina ni Philip sa Manhattan. Dinala niya kami sa Jersey Gardens, isang outlet mall sa New Jersey. Dahil pihikan kami sa pagsa-shopping ay ilan lang ang nabili namin courtesy ng young businessman. Sa pagkukuwentuhan namin over lunch ay kitang-kita namin ang kasiyahan ni Gladys.

Mula nang dumating siya sa Jersey City ay never daw siyang na-homesick at enjoy na enjoy siya sa New York City. Pakiramdam niya ay ito ang matagal na niyang hinahanap na buhay na tahimik at walang nakikialam sa pang-araw araw niyang ginagawa. Busy man si Philip sa trabaho ay abala siya sa pagdyi-gym at pagsha-shopping sa iba’t ibang lugar sa New York.
Daig pa raw niya ngayon si Philip dahil siya na ang tinatanungan ng boyfriend sa mga direction ng pupuntahan nila.

Sinasamantala ni Gladys ang six months stay na ipinagkaloob sa kanya ng US immigration sa pagtigil niya sa US at pagkatapos ay uuwi siya ng Pilipinas. Hindi pa niya alam kung may balak siyang mag-show muli habang nasa Pilipinas pero ang priority niya ngayon ay ang Lugawan Republic na magkakaroon ng dalawang branches sa Pilipinas at kasalukuyang inaayos nila.
Nagbabalak din silang maglagay sa Queens sa New York ng Lugawan Republic na sa tingin nila ay tatangkilikin ng mga Pinoy sa New York area.

***
Parang prinsesa si Gladys sa pag-aalaga ni Philip, pero hindi ito inaabuso ni Gladys. Sa katunayan ay nasakyan namin ang bagung-bagong red Hummer na binili ni Philip para kay Gladys pero hindi pa niya namamaneho ito dahil inaayos pa niya ang kanyang lisensya.

Madalas silang mag-out of town tuwing weekend. Pumupunta sila sa iba’t ibang lugar sa Amerika. Kung may visa lang si Gladys ay balak ni Philip mag-Europe kahit ilang araw lang.
Malapit lang kasi sa New York ang flying time papuntang London at iba’t ibang parte sa Europe.
May bahay pala sina Philip sa may Chelsea area ng London.

Sinabihan na lang namin si Philip na mag-try kumuha ng visa for Gladys sa mga consulate ng bansang pupuntahan nila. Wala namang masamang mag-try.
Normally kasi ay sa home country ng isang tao dapat kumuha ng visa.

***

Naka-set na ang aming pag-uwi nang mabasa namin sa peryodiko na may concert si Ricky Martin sa Madison Square Garden ngayong Linggo (Oktubre 14). Sayang at matagal nang wala kaming balita sa Latin heartthrob. Balak yata nina Gladys manood. Sa Jersey rin pala naninirahan si Kim de los Santos na madalas makasama ni Gladys. Hindi na namin siya nakontak. Sa kasalukuyan ay maayos daw ang trabaho ni Kim sa isang medical office at okay raw ang boyfriend nito.

Ni Joe Barrameda

No comments: