Saturday, October 20, 2007

Jean, ayaw munang sumakay sa eroplano

Hanggang sa tinitipa namin ang item na ito kahapon ay hindi pa sigurado kung tuloy ang scheduled pocket presscon para kay Jean Garcia kasama sina Jennica Garcia at Mart Escudero ngayong gabi para sa pelikulang Hide and Seek. Tila hindi pa sure si Mother Lily Monteverde kung tama bang isama si Jean sa presscon nina Jennica at Mart, na siguradong puputaktihin ng tanong si Jean tungkol sa Dinagat Islands incident na hanggang ngayon ay wala pang kalinawan.

Kahit nagsalita na si Jean tungkol sa isyu ay marami pa ring hindi kumbinsido sa kanyang mga paliwanag kaya ang isyung ito ang tiyak na patuloy na kakalkalin ng showbiz press sa aktres.
Nilinaw ni Mother na hindi ito gimik ng Regal o ni Jean dahil natiyempong may ipalalabas na pelikula ang aktres. Biglang naging hot copy si Jean dahil sa insidenteng naganap sa Dinagat Islands na hindi pa ganap na natutuldukan at naghihintay pa ng mga kasagutan.

Obvious na malaki ang naging epekto kay Jean ng nangyari dahil nalaman namin na for the next two years ay iiwasan daw muna nitong magbiyahe na sasakay ng eroplano (international man o domestic). Dahil doon ay tinanggihan ng manager niyang si Manny Valera ang imbitasyon mula sa isang TV network sa Tanzania (isang bansa sa East Africa na katabi ng Kenya, Uganda at Rwanda) na pumunta roon si Jean bilang request ng mga Tanzanian.

Ayon sa nakausap ni Direk Manny na taga-Tanzania, sikat na sikat si Jean sa Tanzanian TV dahil sa teleseryeng Pangako Sa ‘Yo na ipinalalabas sa Africa. Handang gumastos ang Tanzanian network at sagot nila ang airfare at accommodation ni ‘Ms. Claudia Buenavista’ (karakter ni Jean sa PSY) at ng apat nitong kasama, bumisita lang ito nang personal sa naturang African nation.

May isa pang nakaaaliw na dahilan si Direk Manny kung bakit niya ito tinanggihan pero hindi na namin ito isusulat. Hindi man matuloy ang pagharap ni Jean sa showbiz press ngayong gabi ay siguradong hindi rin siya makakaiwas sa mga tanong sa Martes sa presscon ng bagong primetime drama ng GMA na La Vendetta, na isa siya sa mga bida.

***

Isa sa mga aasikasuhin ni Eric Quizon pagpunta niya ng Amerika sa Oktubre 26 ay ang pag-iinterbyu para sa autobiography ng kanyang amang si Dolphy. Ideya ni Eric at ni Mang Dolphy ang pagpa-publish ng libro na ang Comedy King mismo ang magkukuwento tungkol sa kanyang makulay na buhay. Ayon kay Eric, sa Amerika lang ay anim na anak ni Mang Dolphy ang naroon at dalawang nanay ng mga ito.

Siya ang personal na nag-aasikaso ng interviews at research para sa nasabing autobiography na ie-edit ni Bibeth Orteza. Next year ang release ng libro na magkakaroon ng hardbound at paperback edition. Taglish daw ito para mas maunawaan ng masa. Sabi ni Eric, marami silang nakakalap na impormasyon about their dad na ngayon lang nila nalalaman.

Isa itong tell-all book na maglalaman ng lahat ng bagay tungkol sa buhay ng Ace Comedian, kabilang na ang lahat ng babaeng minahal nito. Ani Eric, isa ‘yon sa mga maituturing niyang personal na accomplishment kapag natapos niya ang project na ito. Kasama si Eric sa horror flick na Hide and Seek bilang asawa ni Jean Garcia at stepdad ni Jennica Garcia. Nu’ng 2005 pa huling gumawa ng movie (I Will Survive) si Eric.

Ayon sa actor-director, napanood na niya ang buong pelikula nu’ng mag-dubbing siya at na-impress siya sa trabaho ni Direk Rahyan Carlos. "It’s a well-made movie. At hindi ko sinasabi ito just because I’m part of the movie, huh! I was really impressed. Nakakatakot siya!" sey ni Eric.

Sa Oktubre 28 ang spooky premiere night ng Hide and Seek sa SM Megamall at sa Oktubre 31 ang showing nito.

Ni Allan Diones

No comments: