Saturday, October 20, 2007

Christine, kinilig kay Manoy

Ayaw munang magsalita ni Claudine Barretto tungkol sa panunugod niya sa taong nagkalat diumano ng mga kisscandalous picture nina John Estrada at Gretchen Barretto. Ang sabi ni Gretchen, hindi pa nila napag-usapang magkapatid ito, pero sa palagay ko ay nagkatawagan na sila at napag-usapan na ang insidenteng iyan.

Kasama ni Claudine nu’ng oras na iyun si Raymart Santiago at ilang kaibigan nang nasalubong daw nila sa Savory Restaurant ang lalaking ito kasama ang ina nito. Hindi raw sana napansin ni Claudine, pero ang ikinairita raw ng huli, tiningnan pa raw siya ng ina nitong lalaki mula ulo hanggang paa. Tahimik lang daw si Claudine nu’ng una, pero nang pasakay na raw sila ng kotse, biglang pumuslit si Claudine at sinugod na itong lalaki.

Kaagad umawat si Raymart at mga kasamahan niya at pinapasok ng kotse si Claudine para hindi na lumaki ang gulo. Ipinagtanggol ni Paolo Contis ang kaibigang si Claudine na kung sa kanya rin mangyari iyun, malamang na ganu’n din ang gawin niya.

Mabuti na lang at nandu’n si Raymart na nagpalamig na lang ng ulo ni Claudine.

***

Nag-story conference ang Joaquin Burdado nu’ng Huwebes at dumating si Robin Padilla kasama ang anak na si Kyle na kasama sa seryeng ito. Sa edad na 14 ay bihasa na si Kyle sa Muay Thai at sobrang taas na raw ang belt na suot nito, ayon kay Robin. Proud na proud si Robin sa kanyang mga anak na mukhang mahirap ligawan. Pumayag daw si Robin na mag-artista ang kanyang anak, pero isa sa mga kundisyon ay hindi muna mag-entertain ng manliligaw ang mga ito.

Sa ngayon ay puspusan ang ensayo nila, dahil hindi lang Muay Thai kundi iba pang martial arts ang ipakikita nila sa Joaquin Burdado. Kasabay ng fasting ni Robin sa nakaraang Ramadan, nagpapayat ang aktor, dahil kailangang lean siya rito at maganda ang katawan.

Madalas na nakahubad daw siya para makita ang mga nakaburdang tattoo sa kanyang katawan.
Kailangan pa raw niyang magbura ng tattoo, dahil merong ibang design ng tattoo ang kailangang ilagay sa kanyang katawan. Isinali rin pala ni Robin dito ang anak ni Royette na si Raphael dahil magaling din daw ito sa Muay Thai.

***

Bukod kay Iza Calzado, isa sa mga leading ladies ni Robin sa Burdado ay si Cristine Reyes na excited ding makasama ang aktor. Habang ini-interview namin si Cristine, biglang napatigil siya na parang kinilig nang makita niyang dumaan sa tapat niya si Eddie Garcia. Lalo raw siyang na-excite nang nalaman niyang kasali si Manoy Eddie, dahil sobrang taas daw ng respeto niya sa premyadong aktor.

Katatapos lang ni Cristine ng Green Paradise at tuwang-tuwa raw siya dahil natapos na niya ang pelikula. Nilinaw ni Cristine ang lumabas na isyung binato siya ng monoblock ng Chinese director. Ayon kay Cristine, nakita niyang ibinato ng direktor ang silya dahil sa meron itong gustong shot na hindi makuha ng cameraman.

Perfectionist daw kasi itong direktor na ilang beses daw nilang inuulit ang eksena, hindi makuha-kuha ang gusto nitong shot sa eksena. Sa irita, ibinato na raw ng ditektor ang silya pero hindi naman daw sa kanya o sa cameraman. Hindi rin makalimutan ni Cristine ang sexy scene niyang bakat ang buong katawan na umaahon sa beach.

Inanod daw siya ng malaking alon kaya napalayo siya.

Sisinghap-singhap siyang bumalik ng pampang.

***

Naaawa na raw si Tito Lito Calzado sa anak niyang si Iza na sunud-sunod na projects ang ginagawa. Isa lang sana ang pelikula ni Iza, ‘yung Desperadas, pero isiningit niya ang shooting ng The Echo sa Canada at tinanggap din ang pelikulang Batanes katambal si Ken Zhu ng F4.
Desperada na raw ang ilang tao sa produksyon ng Desperadas.

Merong shooting na napagtagpo na silang apat na bida, na na-pack up naman dahil sampu lang daw ang dumating na extra para sa bonggang wedding scene. Pagkatapos nitong Desperadas at Batanes ay tutuloy na si Iza sa Joaquin Burdado.

Sa susunod na linggo ay may tatanggaping award si Iza sa Marie Claire, pero hindi raw niya ito makukuha nang personal dahil nasa Batanes ang aktres, kaya ang kanyang ama ang tatanggap nito.

Ni Abu Tilamzik

No comments: