Tuesday, October 16, 2007

Billy Crawford: "mahirap malayo sa pamilya"

Paalis na bukas si Billy Crawford para gawin ang mga commitment niya sa Amerika. Sabi sa amin ni Billy, aalis siyang mabigat ang dibdib dahil sobrang mami-miss niya ang Pilipinas. Kung walang mangyayaring aberya ay malamang nandito na ulit siya sa ‘Pinas sa Nobyembre 3. Muli siyang mapapanood sa Araneta Coliseum sa Disyembre 8 bilang isa sa mga guest sa Diva-licious concert ni Pops Fernandez.

Tsika ni Billy, ngayon lang ulit niya nakapiling ang kanyang Amerikanong ama. Mahigit isang taon ang lumipas mula nu’ng huli silang magkita. Sa Texas nakabase ang trabaho ni Daddy Jack, pero matagal itong nadedestino kung saan-saan, tulad ngayon sa India. Tuwang-tuwa si Billy, dahil ngayon lang aniya sila nagkasama nang ganito katagal ng daddy niya at sa Pilipinas pa ito nangyari. Maging ang mommy niya ay hindi niya rin madalas makasama lalo na ‘pag nasa Europa siya. Halata ang lungkot sa boses niya nang sabihin niya sa aming, "Mahirap, mahirap malayo sa pamilya..."

***

Touched kami sa pagdating ni Billy sa munting birthday party namin kamakalawa nang gabi sa Circle Café sa Timog-Morato circle. Pagkatapos magsimba ay dumiretso na si Billy sa Circle Café. Hindi man siya gaanong nagtagal ay magiliw siyang nakipagtsika-tsika sa mga bisita namin.

Nabasa pala ni Billy ang coverage namin dito sa TONITE ng It’s Time concert niya sa Araneta at sobra raw siyang natuwa sa sinulat namin. Ka-dinner niya ang kanyang daddy, kaya hindi siya puwedeng magbabad sa party kahit gusto niya. Nabanggit namin sa kanyang inimbita namin si P-chi (Rufa Mae Quinto) na nali-link sa kanya at tumawa lang nang malakas si Billy.

Ni Allan Diones

No comments: