Saturday, October 20, 2007

Jean, ayaw munang sumakay sa eroplano

Hanggang sa tinitipa namin ang item na ito kahapon ay hindi pa sigurado kung tuloy ang scheduled pocket presscon para kay Jean Garcia kasama sina Jennica Garcia at Mart Escudero ngayong gabi para sa pelikulang Hide and Seek. Tila hindi pa sure si Mother Lily Monteverde kung tama bang isama si Jean sa presscon nina Jennica at Mart, na siguradong puputaktihin ng tanong si Jean tungkol sa Dinagat Islands incident na hanggang ngayon ay wala pang kalinawan.

Kahit nagsalita na si Jean tungkol sa isyu ay marami pa ring hindi kumbinsido sa kanyang mga paliwanag kaya ang isyung ito ang tiyak na patuloy na kakalkalin ng showbiz press sa aktres.
Nilinaw ni Mother na hindi ito gimik ng Regal o ni Jean dahil natiyempong may ipalalabas na pelikula ang aktres. Biglang naging hot copy si Jean dahil sa insidenteng naganap sa Dinagat Islands na hindi pa ganap na natutuldukan at naghihintay pa ng mga kasagutan.

Obvious na malaki ang naging epekto kay Jean ng nangyari dahil nalaman namin na for the next two years ay iiwasan daw muna nitong magbiyahe na sasakay ng eroplano (international man o domestic). Dahil doon ay tinanggihan ng manager niyang si Manny Valera ang imbitasyon mula sa isang TV network sa Tanzania (isang bansa sa East Africa na katabi ng Kenya, Uganda at Rwanda) na pumunta roon si Jean bilang request ng mga Tanzanian.

Ayon sa nakausap ni Direk Manny na taga-Tanzania, sikat na sikat si Jean sa Tanzanian TV dahil sa teleseryeng Pangako Sa ‘Yo na ipinalalabas sa Africa. Handang gumastos ang Tanzanian network at sagot nila ang airfare at accommodation ni ‘Ms. Claudia Buenavista’ (karakter ni Jean sa PSY) at ng apat nitong kasama, bumisita lang ito nang personal sa naturang African nation.

May isa pang nakaaaliw na dahilan si Direk Manny kung bakit niya ito tinanggihan pero hindi na namin ito isusulat. Hindi man matuloy ang pagharap ni Jean sa showbiz press ngayong gabi ay siguradong hindi rin siya makakaiwas sa mga tanong sa Martes sa presscon ng bagong primetime drama ng GMA na La Vendetta, na isa siya sa mga bida.

***

Isa sa mga aasikasuhin ni Eric Quizon pagpunta niya ng Amerika sa Oktubre 26 ay ang pag-iinterbyu para sa autobiography ng kanyang amang si Dolphy. Ideya ni Eric at ni Mang Dolphy ang pagpa-publish ng libro na ang Comedy King mismo ang magkukuwento tungkol sa kanyang makulay na buhay. Ayon kay Eric, sa Amerika lang ay anim na anak ni Mang Dolphy ang naroon at dalawang nanay ng mga ito.

Siya ang personal na nag-aasikaso ng interviews at research para sa nasabing autobiography na ie-edit ni Bibeth Orteza. Next year ang release ng libro na magkakaroon ng hardbound at paperback edition. Taglish daw ito para mas maunawaan ng masa. Sabi ni Eric, marami silang nakakalap na impormasyon about their dad na ngayon lang nila nalalaman.

Isa itong tell-all book na maglalaman ng lahat ng bagay tungkol sa buhay ng Ace Comedian, kabilang na ang lahat ng babaeng minahal nito. Ani Eric, isa ‘yon sa mga maituturing niyang personal na accomplishment kapag natapos niya ang project na ito. Kasama si Eric sa horror flick na Hide and Seek bilang asawa ni Jean Garcia at stepdad ni Jennica Garcia. Nu’ng 2005 pa huling gumawa ng movie (I Will Survive) si Eric.

Ayon sa actor-director, napanood na niya ang buong pelikula nu’ng mag-dubbing siya at na-impress siya sa trabaho ni Direk Rahyan Carlos. "It’s a well-made movie. At hindi ko sinasabi ito just because I’m part of the movie, huh! I was really impressed. Nakakatakot siya!" sey ni Eric.

Sa Oktubre 28 ang spooky premiere night ng Hide and Seek sa SM Megamall at sa Oktubre 31 ang showing nito.

Ni Allan Diones

Christine, kinilig kay Manoy

Ayaw munang magsalita ni Claudine Barretto tungkol sa panunugod niya sa taong nagkalat diumano ng mga kisscandalous picture nina John Estrada at Gretchen Barretto. Ang sabi ni Gretchen, hindi pa nila napag-usapang magkapatid ito, pero sa palagay ko ay nagkatawagan na sila at napag-usapan na ang insidenteng iyan.

Kasama ni Claudine nu’ng oras na iyun si Raymart Santiago at ilang kaibigan nang nasalubong daw nila sa Savory Restaurant ang lalaking ito kasama ang ina nito. Hindi raw sana napansin ni Claudine, pero ang ikinairita raw ng huli, tiningnan pa raw siya ng ina nitong lalaki mula ulo hanggang paa. Tahimik lang daw si Claudine nu’ng una, pero nang pasakay na raw sila ng kotse, biglang pumuslit si Claudine at sinugod na itong lalaki.

Kaagad umawat si Raymart at mga kasamahan niya at pinapasok ng kotse si Claudine para hindi na lumaki ang gulo. Ipinagtanggol ni Paolo Contis ang kaibigang si Claudine na kung sa kanya rin mangyari iyun, malamang na ganu’n din ang gawin niya.

Mabuti na lang at nandu’n si Raymart na nagpalamig na lang ng ulo ni Claudine.

***

Nag-story conference ang Joaquin Burdado nu’ng Huwebes at dumating si Robin Padilla kasama ang anak na si Kyle na kasama sa seryeng ito. Sa edad na 14 ay bihasa na si Kyle sa Muay Thai at sobrang taas na raw ang belt na suot nito, ayon kay Robin. Proud na proud si Robin sa kanyang mga anak na mukhang mahirap ligawan. Pumayag daw si Robin na mag-artista ang kanyang anak, pero isa sa mga kundisyon ay hindi muna mag-entertain ng manliligaw ang mga ito.

Sa ngayon ay puspusan ang ensayo nila, dahil hindi lang Muay Thai kundi iba pang martial arts ang ipakikita nila sa Joaquin Burdado. Kasabay ng fasting ni Robin sa nakaraang Ramadan, nagpapayat ang aktor, dahil kailangang lean siya rito at maganda ang katawan.

Madalas na nakahubad daw siya para makita ang mga nakaburdang tattoo sa kanyang katawan.
Kailangan pa raw niyang magbura ng tattoo, dahil merong ibang design ng tattoo ang kailangang ilagay sa kanyang katawan. Isinali rin pala ni Robin dito ang anak ni Royette na si Raphael dahil magaling din daw ito sa Muay Thai.

***

Bukod kay Iza Calzado, isa sa mga leading ladies ni Robin sa Burdado ay si Cristine Reyes na excited ding makasama ang aktor. Habang ini-interview namin si Cristine, biglang napatigil siya na parang kinilig nang makita niyang dumaan sa tapat niya si Eddie Garcia. Lalo raw siyang na-excite nang nalaman niyang kasali si Manoy Eddie, dahil sobrang taas daw ng respeto niya sa premyadong aktor.

Katatapos lang ni Cristine ng Green Paradise at tuwang-tuwa raw siya dahil natapos na niya ang pelikula. Nilinaw ni Cristine ang lumabas na isyung binato siya ng monoblock ng Chinese director. Ayon kay Cristine, nakita niyang ibinato ng direktor ang silya dahil sa meron itong gustong shot na hindi makuha ng cameraman.

Perfectionist daw kasi itong direktor na ilang beses daw nilang inuulit ang eksena, hindi makuha-kuha ang gusto nitong shot sa eksena. Sa irita, ibinato na raw ng ditektor ang silya pero hindi naman daw sa kanya o sa cameraman. Hindi rin makalimutan ni Cristine ang sexy scene niyang bakat ang buong katawan na umaahon sa beach.

Inanod daw siya ng malaking alon kaya napalayo siya.

Sisinghap-singhap siyang bumalik ng pampang.

***

Naaawa na raw si Tito Lito Calzado sa anak niyang si Iza na sunud-sunod na projects ang ginagawa. Isa lang sana ang pelikula ni Iza, ‘yung Desperadas, pero isiningit niya ang shooting ng The Echo sa Canada at tinanggap din ang pelikulang Batanes katambal si Ken Zhu ng F4.
Desperada na raw ang ilang tao sa produksyon ng Desperadas.

Merong shooting na napagtagpo na silang apat na bida, na na-pack up naman dahil sampu lang daw ang dumating na extra para sa bonggang wedding scene. Pagkatapos nitong Desperadas at Batanes ay tutuloy na si Iza sa Joaquin Burdado.

Sa susunod na linggo ay may tatanggaping award si Iza sa Marie Claire, pero hindi raw niya ito makukuha nang personal dahil nasa Batanes ang aktres, kaya ang kanyang ama ang tatanggap nito.

Ni Abu Tilamzik

‘Hindi bakla si Sam’ – Anne

Sa piling ng press nag-celebrate ng kanyang 10th anniversary sa showbis at sa Viva Films si Anne Curtis. Natutuwa rin ito’t marami na ang magandang nangyari sa kanyang career mula noong 1997. Kino-consider nitong biggest accomplishment sa kanyang career ang lahat ng pelikula at TV shows na kanyang ginawa pati ang sa GMA-7.

Tuluy-tuloy ang blessings kay Anne dahil kinuha siyang celebrity endorser ng Freeway at noong Huwebes ang launching sa kanya sa Embassy Bar sa The Fort. Sa October 28, may show siya for her fans sa Market! Market!

Sa 10th year niya sa showbis natupad ang dream ni Anne na maka-pareha si Aga Muhlach sa Waiting For Love. Nagti-taping na rin siya ng The Wedding nila nina Derek Ramsey at Zanjoe Marudo at sisimulan ang Book 2 ng Maging Sino Ka Man.

Samantala, hindi naniniwala si Anne na there’s something between Sam Milby and Piolo Pascual at wala rin daw ang binata sa Sofitel Hotel. “Sam is not gay, I should know. I spent time with him at maaamoy mo naman ‘yun at ‘di ako dedma doon. Nagagawa ko siyang asarin sa isyu at natatawa lang siya.

He was not in Sofitel also, because he was in Toni and Guy for a haircut at dumeretso siya sa shooting niya sa Alabang,” pagde­depensa nito kay Sam.

* * *

Ayaw pangunahan ni Marvin Agustin na mali-link sila ni Marian Rivera sa pagpasok niya sa Marimar. Basta natutuwa siyang mapasama sa cast ng telenovela at magkaroon ng chance na makatrabaho ang actress. Gagampanan niya ang role ng stockbroker na si Rodolfo Santa Gines na magkakagusto kay Marimar. Kundi Tuesday, October 23 ay October 24 siya lalabas.

Hindi pa lang namin alam kung guest lang si Marvin na ang ibig sabihin, ilang weeks lang tatagal ang kanyang character o pang matagalan ang labas niya sa telenovela. Sabagay, walang masama kung magkakaligawan sina Marian at Marvin dahil pareho silang single.

Samantala, sa fans ni Marian at viewers ng Marimar sa Bacolod, abangan n’yo siya sa Sunday at makikisaya ito sa Masskara Festival. Hanggang ‘Pinas lang muna puwedeng mag-travel ang actress at ‘di kaya ng kanyang schedule ang lumabas ng bansa. Bukod sa tele-novela, naglalagare pa siya sa shooting ng Desperadas at Bahay Kubo, kaya ‘yung dapat alis niya for Japan sa October 28 para sa GMA Pinoy TV ay next year na itutuloy.

* * *

Kinumusta namin sa mga taga-Sony BMG kung pumirma na ng recording contract sa kanila si KC Concepcion. Negative ang sagot nang kausap namin, pero obvious na may offer sila sa pahabol na sagot na ipapaalam din kapag nakapirma na ito. Hindi nakakagulat kung sa SonyBMG din mag-recording si KC dahil dito rin may record deal ang inang si Sharon Cuneta. Mas magiging madali kung may balak na pagsamahin sila sa isang album kung pareho sila ng recording company.

Ni Nitz Miralles

Jordan Herrera: “Subukin nilang paduguin ang ilong ko ngayon!”

Handang-handa na si Jordan Herrera sa napipinto niyang laban sa boksing against TJ Trinidad sa pagsisimula ng Pinoy Mano Mano, bagong programa ng ABS-CBN, sa Oktubre 27, pagkatapos ng TV Patrol. Kung nung praktis nila ni TJ ay napadugo nito ang kanyang ilong, nangako si Jordan na hinding-hindi na ito mangyayri ngayon. “Araw-araw akong nagpapraktis, dalawang beses isang araw para makondisyon ako, para mapahusay ko ang laban ko.

Natyempuhan lang ako ni TJ nun pero ngayon sisiguruhin ko na hindi na ito mangyayari,” panimula ng actor na isa lamang sa mga celebrities na mapapanood mag-boxing sa Pinoy Mano Mano na iho-host nina Cesar Montano at Bayani Agbayani. Ang iba pa bukod kay TJ ay sina Rico Robles at Rico Barrera, mga PBB alumni, Biboy Ramirez, actor at billiard player, Erik Fructuoso, dating Guwa­ping, Joem Bascon, actor at Michael Roy Jornales, martial artist.

* * *

Ang lahat ng laban ay susubaybayan ng Boxing Association of the Philippines, mga regulasyon din nito ang gagamitin sa lahat ng laban. Mga propesyonal na referree at judges ang huhusga sa mga laban. Para sa kasiyahan ng mga manonod, para hindi sila magsawa’t maumay, tuwing ikalawang linggo, mga komed­yante naman ang maglalaban.

Bawat premyo na mapapanalunan ay magka­karoon ng bahagi ang paboritong charity ng mana­nalo. Tiniyak din ng BAP na ang safety ng lahat ng boksingero ang pangangalagaan nila.
Samantala, nagparating na si Cesar Montano ng kanyang hamon na ma­kalaban sa boksing si Richard Gomez. “Panonoorin ito ng marami, marami ang mai-ins­pire, baka makatulong kami na mailayo sila sa droga at anu­­mang masamang ga­wain,” sabi ni Cesar.

Wala pang sagot mula kay Richard.

* * *
Hindi pa nga nakukubra ni Direk Wenn Deramas ang kanyang bonus na Hongkong trips para sa pelikulang KapagTumibok ang Puso, na pinangu­nahan nina Bong Revilla at Aiai delas Alas, heto at may panibagong bonus trip na naman siya courtesy of Viva Films and Rufa Mae Quinto, co-producers ng Apat Dapat, Dapat Apat na pinipilahan pa sa takilya ngayon.

Hindi pa niya natatapos ang Pasukob starring Aiai delas Alas pero, inihahanda na para isunod niya agad sa Apat Dapat ang remake ng Working Girls with Rufa Mae again, Pokwang, Eugene Domingo, Janelle Jamer, Hilda Koronel, Carmi Martin at Jaya. Isa pa ring Aiai project ang nakatakda niyang gawin, ang Tanging Ina Nyong Lahat kung saan ay magiging pangulo ng bansa si Aiai.

Hindi lamang sa Viva, Star Cinema magdi-direct si Wenn kundi maging sa Octo-Arts. Gagawin niya rito ang My Mr. Housewife, starring Judy Ann Santos & Ryan Agoncillo. Whewwwwww!

Ni Veronica R. Samio

Sinalisihan ng kapatid sa Boyfriend

Kahit naman nung magka-live-in pa ang isang sexy come­dienne at ang isang perso­nalidad na kilala sa larangan nito ay meron nang duda ang seksing komedyante na merong naga­ganap sa pagitan ng kanyang kapatid at ng kanyang boyfriend. Pero kutob lang yun, wala siyang pinang­haha­wakang ebidensiya, gustung-gusto niyang mahuli ang dalawa pero hindi nangyari yun.

Marami nang nagsasabi sa sexy comedienne na mag-ingat sa kanyang kapatid, pero deadma lang siya, dahil ayaw niyang maniwala na ang nakababata niyang kapatid na tinutulungan niya ang mag-aahas pa sa kanya. Sabi ng aming source, “Kapag may out-of-town shows noon si ________ (pangalan ng sexy comedienne), isinasama na niya sa biyahe ang boyfriend niya.

Sinasabi lang niya na wala siyang inspiration kapag nag-iisa lang siya sa malalayong probinsiya, pero ang totoo, iniiwas niya ang puwedeng mangyari sa kapatid niya at ang BF niya.
“Kinukutuban na kasi siya, may mga pagkakataong napapanaginipan pa niyang nagtsutsuktsakan ang dalawa sa mismong harapan niya, kaya talagang binibitbit niya ang boyfriend niya kahit saan,” simula ng aming impormante.

Nung minsang umalis siya para sa isang show ay kinutuban ang comedienne, parang may kung anong nagaganap sa bahay niya na hindi niya maintindihan, kaya bigla siyang umuwi.
“Pagdating niya sa unit niya, naliligo ang boyfriend niya, nandun ang sister niya, pero nung tanungin niya naman ang maid, hindi raw naman pumasok sa bedroom ang kapatid niya. “Ang ending, hinintay niyang makapaligo ang BF niya, saka niya isinama, mahirap nga namang masingitan pa siya ng mismong utol niya!” sabi pa rin ng aming source.

Pero ngayon ay mukhang totoo na ang kuwento, marami nang nakakakita sa kanyang kapatid at sa kanyang ex-boyfriend na palaging magka-date, nagkatotoo na ang tsismis! Ayon sa sexy comedienne ay walang delicadeza ang dalawa, pero ang sagot naman ng kanyang kapatid, “aba, at nagsalita ang merong delicadeza!”

Mabuti na lang at nakakulong na sa isang malaking bahay ngayon ang sexy come­dienne na ito, dahil kung hindi, sigu­radong malaking kom­prontasyon ang maga­ganap nang dahil lang sa isang lalaki.

* * *

May nanggugulo ngayon sa isang aktres sa pamamagitan ng text, walang kapagu­ran ang texter, mula umaga hang­gang gabi ay minu­mura nito ang aktres. Masasakit ang mga salitang ipinakakain ng texter sa aktres, nandung tawagin siyang pokpok nito, nandiyang homewrecker daw siya, at kung anu-ano pang mga salita na tumutukoy sa pang-aagaw ng karelasyon ng may karelasyon.

Alam na ng aktres kung sino ang nanggugulo sa kanya, yun ay isang babaeng insecure, dahil naniniwala ito na karelasyon niya ang mister ng nasabing texter. Hindi sinasagot ng aktres ang mga mensahe ng mahiwagang babae, sayang daw kasi ang kanyang oras, hindi raw siya katulad ng texter na walang ginagawa at naghihintay lang ng biyaya mula sa asawa nito.

Ay, ay, ay! Ang pag-ibig nga naman.

* * *

Kalat na ang balita, malapit nang ipasa ng Konseho ng Maynila ang isang resolusyon na bumabawi kay Manny Pacquiao ng titulo bilang adopted son ng lungsod, nasaktan pati ang mga dating kaalyado ni dating Mayor Lito Atienza sa ipinakitang pambabalewala ni Pacman sa inihanda nilang hero’s welcome para sa boksingero.

Si Konsehal Abel Viceo ng District 2 ng Maynila ang sponsor ng resolusyon, tulad ng iba pa niyang mga kasamahan ay hindi niya nagustuhan ang pang-iisnab na ginawa ni Manny sa kanila, samantalang adopted son ng lungsod itong naturingan at hindi naman adopted son lang ni dating Mayor Atienza. “Iisa lang po ang saloobin naming lahat, hindi maganda ang ginawa niya, kaya kung walang halaga para sa kanya ang aming lungsod at ang mamamayan ng Maynila, kailangang magkaroon siya ng leksiyon,” sabi ng magiting na konsehal.

Nakapanghihinayang na tagumpay, sa halip na pagbubunyi ang tanggapin ngayon ni Pacman ay negang-nega ang kanyang pangalan, nakakalungkot.

Ni Cristy Fermin

Oyo Madalas Nakabuntot kay Kristine

Matapos makitang magkasama last week sina Kristine Hermosa at Oyo Boy Sotto sa Greenbelt 3, this time ay sa Embassy disco-bar naman sa The Fort nakita ang dalawa last Thursday, October 18, night. Ito ay sa launching ng kapwa niya ABS-CBN star at ex-girlfriend ni Oyo na si Anne Curtis as the new image model of Freeway. Sabay na dumating ang dalawa at dumeretso kaagad sa dressing room ni Anne, kaya naman nagsunuran ang mga camera men at photographers.

Very warm sina Anne at Kristine sa isa’t isa although ex si Anne kay Oyo noon at ngayon naman ay nali-link si Kristine sa huli. Sumunod namang bumati si Oyo kay Anne. Pagkakita sa amin ni Kristine ay nag-dialogue ito ng, “Lagi n’yo na lang akong tsini-tsismis. Ako na lang lagi n’yong nakikita. Bakit hindi n’yo nakikita ‘yung isa?” tanong namin sa kanya, si Diet? “Oo,” sagot ng young actress.

A few minutes after lumabas na sa dressing room ang mga TV crew at photographers ay tuloy-tuloy na ang kuwentuhan ng tatlo hang­gang bago lumabas ng stage at rumampa si Anne. Medyo naulinigan namin na kinu-kuwento ni Anne kina Kristine at Oyo ‘yung mga tinanong sa kanya ng mga TV reporters, gaya ng latest issue about Sam Milby and Piolo Pascual.

Bago pa dumating sina Kristine at Oyo ay tinanong na namin si Anne kung anong masasabi niya sa issue about Kristine and Oyo. “They’re (Kristine and Oyo) my friends, kaya go ahead!” sagot ni Anne. Sa katunayan daw ay matagal nang crush ni Oyo si Kristine, sabi ni Anne. At since nakunan ng TV cameras at pictures sina Kristine at Oyo ay tinanong namin si Kristine bago kami magpaalam na pagsasa­bihan kaya siya ng Star Magic after this. “Hindi. Magka­ibigan lang naman kami (ni Oyo). Halos lahat ng kaibigan ko lalaki. Bakit sa kanya (Oyo) lang ako natsi-tsismis?” pagtatapos ni Kristine.

Sabay ding umalis ng Embassy sina Kristine at Oyo matapos ang event dahil may pupuntahan pa raw silang party. Tungkol naman sa issue between Sam and Piolo na nalaman lang ni Anne through her friends ay mukhang tinatawanan lang niya ito. Binibiro pa nga raw ni Anne si Sam tungkol dito. “Sabi niya (Sam), “I can’t believe you’re teasing me,’” kuwento ng Anne. Pero sa huli ay pinagtanggol pa rin ni Anne si Sam na matagal nang nali-link sa kanya. “I will stand to what I believe in. Sam is not gay. I should know. He’s my friend,” seryosong sagot ni Anne.

Pagdating naman sa isyung Angel Locsin at Luis Manzano ay sinabi ni Anne na hindi pa raw pinapa­kilala sa kanya ng kanyang best friend at soul mate na si Luis si Angel bilang girlfriend. “Kilala? Matagal ko nang kilala si Angel pero hindi pa siya pinapakilala sa akin ni Luis as his girlfriend. If ever totoo ‘yon, go! I’m happy for them,” nakangiting advise ni Anne. Kahit daw kay Oyo ay hindi pa sinasabi ni Angel kung boyfriend na nga talaga niya si Luis, dahil hindi pa raw sila nagkakausap lately. Kaya walang alam ang binata. “Bakit, totoo bang sila (Angel at Luis) na?” tanong ni Oyo sa amin.

Anyway, hindi lang isa kundi dalawang ex boyfriend ni Anne ang dumating to show their support. Bukod kay Oyo ay namataan din namin si Paolo Araneta na ayon kay Anne mismo ay inimbitahan niya. “Yes! I invited him,” nakangiting chika ni Anne.

* * *

Tumayong bangka sa isang umpukan ang boxing champion na si Manny Pacquiao. Nang malaman nitong July 19 ang birthday ng anak nina Claudine Barretto at Raymart Santiago na si Rodrigo Santino at kinabukasan ay parehong birthday ng mag-asawa ay nag-volunteer si Manny na siya na ang sasagot sa triple birthday celebration ng mga Santiago. Kasabay din nito ang Christian dedication ni Tino (tawag ni Claudine kay Baby Santino). Nagulat at halos hindi makapag-react sina Raymart at Claudine sa bonggang offer ni Manny.

Para hindi siguro mahiyang tanggapin nina Raymart at Claudine ang “advance treat” ni Manny ay naikuwento ng huli na nagregalo raw siya sa isang former mayor na mabait sa kanya at naging kaibigan niya ng P4.5M-worth na Land Cruiser. Ayon sa isang malapit sa boxing champ, ganun daw talaga kagalante si Manny. Pero dagdag ng aming informant, tinapatan ng isa pang kaibigang pulitiko ni Manny ang pagiging galante by giving the boxer a P27M-worth na sasakyan na walang hininging kapalit kay Manny.

Ni Francis Simeon

Iza at Cristine ‘Di Sinipot Si Robin

Ang Belo Medical Group ang sponsor ng special screening kagabi sa MyCinema ng Greenbelt ng 11th Hour, ang documentary movie ni Leonardo DiCarpio tungkol sa kalikasan. Alam n’yo ba ang nangyari? Ipinakansela ni Dra. Vicki Belo ang special preview dahil sa malagim na nangyari sa Glorietta 2.

Nakakapangilabot ang balita na marami ang nasugatan at may mga namatay sa pagsabog na naganap kahapon ng 1:30 pm sa Glorietta Mall. Ayon sa initial reports, ang nag-leak na LPG ang dahilan ng pagsabog dahil gumuho ang isang bahagi ng mall at habang isinusulat ko ito, hindi pa tiyak ang bilang ng mga namatay at nasaktan. Parang mahirap paniwalaan na LPG ang rason ng pagsabog dahil masyadong malaki ang damage sa Glorietta 2 Mall. Para gumuho ang mall, matindi talaga ang pagsabog na naganap.

* * *

Likas ang pagiging usyosero ng mga Pili­pino. Imbes na magsi­pag-uwian pagkatapos ng pagsabog, pinaligiran pa nila ang mall para panoorin ang rescue ope­ration ng mga pulis. Hindi nakuntento ang iba sa panonood ng TV dahil pumunta pa sila sa site ng pagsabog. Bilib ako sa media dahil tinutukan nila ang pangyayari. May mga nagpunta sa ospital para kilalanin ang mga biktima.

Mabilis na kumalat ang balita dahil sa text messaging. May mga kakilala ako na nasa ibang bansa na nauna pang nakaalam sa pagsabog. May nag-text daw sa kanila na pinasabog ang Glorietta Mall. Noong una, inakala ng iba na joke lamang ang text na natanggap nila. Naniwala sila nang i-flash sa TV ang breaking news tungkol sa nakakalungkot na pangyayari.
Nakikiramay ang PSN sa mga biktima at sa kanilang mga pamilya na nagdadalamhati.

* * *

Nagkaroon ng story conference ang Joaquin Burdado noong Huwebes at dinaluhan ito ni Robin Padilla at ng kanyang anak na si Kylie na introducing sa bagong TV series ng GMA 7. Sina Iza Calzado at Cristine Reyes ang leading ladies ni Robin sa Joaquin Burdado pero hindi umapir ang dalawa sa story conference.

Nasa Batanes si Iza para sa shooting ng pelikula nila ni Ken Zhu at may taping naman si Cristine para sa Marimar. Sandali lamang ang itatagal ni Ken sa Pilipinas kaya araw-araw ang shooting nila ni Iza. Disappointed kay Ken ang mga TV crew na nag-abang sa airport at sumalubong sa kanyang pagdating dahil hindi na nga siya nagpainterbyu, matipid pa siya sa pagngiti. Naku, intindihin n’yo na lang si Ken dahil hirap ito sa pagpapainterbyu porke hindi siya marunong magsalita ng Ingles. Hindi rin sila magkakaintindihan ng mga reporter na mag-iinterbyu sa
kanya.

* * *

Bago tayo mapalayo ng topic, join din sa cast ng Joaquin Burdado ang kapatid ni Robin na si Rommel Padilla. Ganyan ka-generous si Robin. Kung may role para sa kanyang mga kamag-anak, isinasama niya sa kanyang mga project. Board member na ng Nueva Ecija si Rommel pero hindi niya makalimutan o maiwan ang pag-aartista dahil nasa dugo nila ito.

Hindi man naging successful actor si Rommel katulad ni Robin, masuwerte naman siya sa kanyang political career. Kung hindi ako nagkakamali, number one board member si Rommel noong nakaraang eleksyon.

Ni Lolit Solis